Tunay ngang bahagi na ng buhay ng isang tao ang media mula sa kanyang pagsilang hangang sa kanyang pagkamatay. Kaya nga lubhang mahalaga para sa atin ang magkaroon ng wasto at sapat na kaalaman at kakayahan sa bat ibang anyo o uri ng media, na sa ayaw at sa gusto natin ay tuwiran at di-tuwirang nagbibigay kabuluhan at kahulugan sa ating karanasan sa ating pag-unawa sa mga mga ideya at mensahe sa media sa siya namang nagbibigay anyo o hugis sa kamalayan bilang mga manlilikha nito.
Pagpapalaya at pang-aalipin, dalawang magkasalungat na salita na maaaring maglarawan sa bahaging ginagampanan ng media sa ating pang-araw-araw na buhay. Kasabay ng ating paglago at pagyabong bilang isang indibidwal ang paglawak ng ating karanasan sa media.
Sa pamamagitan ng media, ang dating simpleng mundo ay nagiging komplikado. Halimbawa nito ang ebolusyon sa kung paano tayo makitungo sa ibang tao. Sa pamamagitan ng media, ang dating isang kasinungalingan ay maaring maging isang katotohanan.Kapag paulit ulit nating nababasa, naririnig o napapanood may posibilidad na ito ay maging katotohanan sa marami. Sa pamamagitan ng media, ang dating kagustuhan at nagiging isang pangangailangan.
Hindi lingid sa ating kaalaman, na ang media ay maaring mahalintulad sa isang espada na magkabila ang talim, ito ay maaring magamit sa mabuti o sa masama, depende sa tao o grupo ng mga taong gumagamit nito at sa kanilang intensyon.Hindi rin lingid sa ating kaalaman, na ang media ay produkto ng isang kultura o tradisyon.
Anumang uri ng teknolohiya gaya nang ibat ibang anyo ng media ay may potensyal na maging instrumento ng pagpapalaya at pang-aalipin ng mga tao. Pagpapalaya, kung ito ay nagagamit upang maging bukas ang isipan ng bawat tao sa realidad ng buhay. Pang-aalipin, kung ito ay nagagamit upang manatiling mangmang ang mga tao sa pamamagitan ng magmamanipula sa mga isip nito.
Katulad ng nabanggit sa artikulo ni Winston isang dalubhasa sa araling pang midya, ang lahat ng uri ng teknolohiya ay hindi neutral. Ito ay binubuo ng mga ideya, pangangailangan, kagustuhan, at imahinasyon ng mga taong may gawa nito. Sa madaling sabi, ang bawat medium ay may kanya-kanyang pakay at gamit. At ang bawat isa ay sumasagot sa isang pangangailangan o kagustuhan ng isang lipunan sa isang espisipikong lugar o panahon. Ang pagsilang at pagkamatay ng isang medium ay batay narin sa napagkasunduang kalakaran ng mga taong may malaking impluwensya sa ating lipunan.
Sa artikulo ni Winston at sa aklat na media studies, ipinakita kung paano ang isang medium ay dumaan at patuloy na dumadaan sa ebolusyon upang lubos na mapakinabangan ng mga tao. Komplikado ang pagbuo at pagsilang, at paglago ng isang teknolohiya, kung saan ang bawat isa ay produkto ng maraming pag-aaral at pananaliksik. At kung saan ang isang teknolohiya ay bunga dugot pawis ng ibat ibang tao sa kasaysayan. Ipinakita rin dito kung paano ang laro ng sosyo –pulitikal na aspeto sa pagsilang at pagkamatay ng isang teknolohiya. Dagdag pa rito ang mga gamit ng isang teknolohiyang sa kasaysayan.
Sinabi ni Winston na hindi lamang ang teknolohiya ang salik na nakaiimpluwensya sa takbo ng buhay ng mga tao. Kung ating babalikan ang ating kasaysayan mauunawaan natin na ang pagkakaroon at pagkawala ng isang uri ng teknolohiya ay bunga narin ng mga salik na nagsusulong ng interes ng mga kapangyarihang tao o grupo sa panahong iyon. At kadalasan, ang gamit ng isang teknolohiya ay batay narin sa kasalukuyang kalakaran, na kumikiling at nangangalaga sa kapakanan ng iilan at makapangyarihan.
Dito papasok ang implikasyon na nakapaloob sa pulitika at ekonomiya ng media, at kung sa kung paano ang paraan ng mediation ay nakaka-apekto sa mensahe na pinabaimbulog ibat ibang uri ng tao base sa kanilang pangangailngan at kagustuhan. Dito makikita ang laro ng kontrol at manipulasyon sa mga taong walang pagkakatoon masuri o makilatis ang media na kanilang ginagamit o nagagamit. Samakatuwid, ang pag-aaral at pananaliksik sa gampanin ng media sa ating lipunan ay mahalaga hindi lang para sa mga iskolar ng komunikasyon at media lalot higit sa mga pangkaraniwang tao .

No comments:
Post a Comment